Panukalang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law, pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara

Nakatawid na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill 10381 o panukalang pag-amyenda sa 5 taon ng Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong tiyakin na sapat ang suplay ng bigas sa bansa at abot-kaya ang presyo nito.

Sa ilalim ng panukala ay palalakasin at ibabalik ang dating mandato ng National Food Authority (NFA) upang makapag-angkat ito ng bigas sa mga emergency situation.

Kasama sa hangarin ng panukala na muling pahintulutan ang NFA na magbenta ng murang bigas sa merkado na direkta nitong bibilhin mula sa lokal na magsasaka.


Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang panakula ay pagtupad sa pangako sa mamamayang Pilipino na tiyaking ang bigas na pangunahing pagkain ng ating mga kababayan ay magiging abot-kaya para sa lahat.

Target ng Kamara na aprubahan ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa bago ang sine die adjournment sa susunod na linggo.

Facebook Comments