Panukalang pag-decriminalize sa paggamit ng iligal na droga, dapat munang pag-aralan – DILG

Naniniwala ang pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat umanong pag-aralang mabuti ang panukalang pag-decriminalize sa paggamit ng iligal na droga.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, ang naturang tugon niya ay matapos ipanukala ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pag-decriminalize sa paggamit ng iligal na droga upang mabawasan ang nakakulong.

Paliwanag ni Abalos, ang usapin ng iligal na droga ay kritikal at sensitibong isyu na dapat pag-aralang mabuti kung ano ang magiging epekto ng panukalang ito.


Dagdag pa ng kalihim, hindi lang ang Pilipinas kundi buong mundo ang may problema sa iligal na droga.

May mga bansa pa aniya na may magandang teknilohiya at mas mayaman sa Pilipinas ngunit mas malala ang problema sa iligal na droga.

Kasama sa panukala ni Dela Rosa na tugunan ang drug addiction sa bansa bilang isyung pangkalusugan na kinakailangang mabigyan ng rehabilitasyon sa halip na maging paglabag sa batas.

Facebook Comments