Panukalang pagbaba sa age of criminal liability, pasado sa committee level ng Kamara

Manila, Philippines – Pasado na sa House Committee on Justice ang substitute bill na nagbababa sa minimum age sa criminal liability mula sa 15 taong gulang sa 9 na taong gulang.

Ayon kay Justice Committee Chairman Salvador “Doy” Leachon, napapanahon na para pangalagaan ang mga bata base na rin sa itinatadhana ng 1987 Constitution lalo pa at tumataas ang bilang ng mga batang nagagamit sa paggawa ng krimen.

Limang panukala ang inihain para ibaba ang edad sa criminal liability ng mga ‘children in conflict with law’.


Sa ilalim ng panukala, bukod sa ibaba ang minimum age sa criminal liability ng mga kabataan sa 9 na taong gulang, nilinaw na hindi ikukulong ang mga batang makakagawa ng krimen.

Ang mga ‘children in conflict with law’ ay isasailalim sa rehabilitation at i-co-confine ang mga ito sa Bahay Pag-asa.

Ang mga taong o sindikatong gagamit sa mga kabataan sa paggawa ng krimen ay mahaharap sa kaukulang parusa.

Tiniyak ni Leachon na ‘confidential’ ang mga records ng mga batang lumabag sa batas.

Sa ilalim pa ng batas, ililipat ang Bahay Pag-asa mula sa LGU sa DSWD at ginagarantiya ang paglalaan ng pondo sa ilalim ng General Appropriations Act.

Facebook Comments