Dumalo rin si Dagupan City Engineer Josephine Corpuz, na nagbahagi ng updated wind load capacity para sa mga kasalukuyang itinatayo at planong itayong istruktura sa lungsod—na dapat ay kayang humawak ng hanggang 300 kph o higit pang lakas ng hangin. Ito rin umano ang magiging basehan para sa mga nagnanais magpatayo ng istasyon ng tv, radyo, billboards, at cellular towers sa Dagupan.
Hiningi rin ang pagsang-ayon ng mga kinatawan ng media at telco stations sa planong mandatory inspection ng Dagupan City Engineering Office bago tumama ang mga paparating na bagyo sa hinaharap.
Ayon kay Councilor Michael Fernandez, author ng draft ordinance, ang panukalang ito ay bahagi ng mas pinaigting na paghahanda para sa seguridad at kaligtasan ng mga Dagupeño tuwing may malalakas na bagyo. Upang maiwasan na ang nangyari noong kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Uwan.
Sa ngayon, sinuspinde muna ng komite ang pagdinig upang mangalap pa ng karagdagang impormasyon at ihanda ang listahan ng iba pang dapat imbitahan, kabilang ang National Telecommunications Commission (NTC), maging ang mga may-ari ng cellular towers at billboards sa lungsod ng Dagupan.









