Inumpisahan na ng Committee on Health ng Senado ang pagtalakay sa panukalang batas para sa pagtatatag ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) at Medical Reserve Corps.
Pinangunahan ni Committee on Health Vice Chairman Pia Cayetano ang pagdinig para sa dalawang panukala.
Base sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH), ang CDC ay magiging attached agency ng DOH at magkakaroon ng apat na pangunahing departamento, ito ay ang Center for Health Statistics, Center for Epidemiology and Surveillance, Center for Reference Laboratories at Center for Health Evidence.
Ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay isasailalim na sa CDC.
Samantala, sa pagdinig para sa pagbuo ng Medical Reserve Corps ay hiniling naman ng DOH na tawagin itong Health Emergency Auxiliary Reinforcement Team (HEART) dahil posible itong mapagkamalang bahagi ng militar.
Bubuuin ito ng mga medical expert, scientist, licensed medical practitioner, miyembro ng reserve force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa medical service at non-medical volunteers na may kasanayan sa health emergencies.
Ang mga magiging miyembro ng HEART ay isasailalim sa mga pagsasanay para sa paghahanda sa mga kalamidad at anumang health emergency.