Inaprubahan na ng Senate Committee on Local Government na pinamumunuan ni Senator Francis Tolentino ang panukala na pagtatag ng Metropolitan Davao Development Authority (MDDA).
Bubuo sa MDDA ang mga lungsod at munisipalidad mula sa mga lalawigan ng Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro at Davao Occidental.
Ang panukala ay isinulong nina Senators Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa na parehong galing Davao.
Sang-ayon ito sa mga pagsisikap na mapabilis ang pagpapalago sa ekonomiya sa nabanggit na mga probinsya at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
Ang MDDA ang bubuo ng mga plano at polisiya ukol sa transportasyon, solid waste disposal, urban renewal, zoning, land use, pabahay, health at sanitation, urban protection, public safety at iba pang usapin para sa pagpapaunlad ng Metro Davao.
Sa pagdinig ng Senado ay nagpahayag ng suporta sa panukala ang mga kinatawan ng National Economic Development Authority (NEDA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Davao City Mayor Sara Duterte, at iba pang mga opisyal ng Local Government Unit (LGU) na sasaklawin ng MDDA.