Inendorso na ni Committee on Electoral Reforms and People’s Participation Chairperson Senator Imee Marcos ang Senate Bill No. 7 o ang panukalang Hybrid Election Act ni Senate President Tito Sotto III.
Sa ilalim ng hybrid scheme, ang pagboto at pagbibilang ng boto ay manual na gagawin sa mga presinto pero ang resulta ay automated ang magiging transmission sa Commission on Election central database.
Giit ni Marcos, kailanman ay hindi magiging transparent at ligtas ang ating mga boto kung susundin pa rin ang fully automated election system (AES) na ginamit mula noong 2010.
Dismayado si Marcos sa naging mga iregularidad sa pagbilang ng boto simula ng gamitin ang AES, tulad ng mas maagang transmission ng mga boto, at foreign access sa mga election server.
Binanggit din ni Marcos ang paglalagay ng karagdagang device na tinawag na “queuing server” habang nasa kalagitnaan ng proseso ng pagta-transmit ng mga boto, script change sa gitna ng live na transmission ng mga resulta, at hindi kumpletong transmissions ng mga resulta.
Dahil dito ay sinabi ni Marcos na kailangan din iusog ang timeline para sa paghahain ng certificates of candidacy mula kalagitnaan ng Oktubre patungong ika-15 ng Disyembre bago ang eleksyon.
Dagdag pa ni Marcos, lilimitahan din ang pagpapalit ng mga kandidato mula lamang sa mga kaso ng pagkasawi at diskuwalipikasyon habang ang pag-iimprenta ng mga balota ay hindi na rin i-a-outsource kundi sagrado na lamang sa National Printing Office.