Panukalang paggamit ng internet voting para sa mga OFWs, lusot na sa House Committee level

Inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, ang House Bill 6770 o panukalang mag-a-amyenda sa Overseas Voting Act of 2013 (Republic Act 10590).

Sa ilalim ng panukala ay papahintulutan ang paggamit ng internet voting para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at posible itong unang gawin sa 2025 midterm elections.

Tiwala ang may pangunahing may-akda ng panukala na si OFW Party-list Representative Marissa Magsino, na mahihikayat nito ang mas maraming OFW na bumoto.


Tinukoy ni Magsino ang datos ng Commission on Elections (COMELEC), na nasa 12 milyong overseas Filipino ay 1.69 milyon lamang ang nagparehistro para sa 2022 elections pero 600,000 lamang ang bumoto.

Nakapagsagawa na ang COMELEC ng internet voting demonstration kamakailan kung saan lumahok ang OFW Party-list.

Nagpahayag din ng suporta sa panukala si House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda sa panukala.

Kaakibat nito ang hiling sa COMELEC na gawing exemption sa election spending ban ang relief operations kaugnay sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Facebook Comments