Panukalang pagkakaroon ng community gardens na pagkukunan ng pagkain, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang panukalang mag-aatas sa mga barangay na magkaroon ng hindi bababa sa 200 square meters na “community gardens” na pagkukunan ng pagkain lalo sa mga mahihirap na komunidad.

Nakapaloob ito sa inihain ni Vargas na House Bill 6816 o panukalang “Hapag sa Barangay Act” na layuning matugunan ang kagutuman at “food insecurity” sa ating bansa.

Target ng panukala ni Vargas na maging batas ang Memorandum Circular 2023-01 ng Department of the Interior and Local Government (DILG) o tinatawag na “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay” o HAPAG sa Barangay Project.


Base sa panukala, ang mga barangay na walang bakanteng lugar ay magpapatupad ng alternatibong “gardening” tulad ng container, vertical o square food gardening, hydroponics at aeroponics.

Kapag naging batas ang panukala ni Vargas, ang pondo nito ay kukunin sa National Tax Allotment o NTA ng mga lokal na pamahalaan.

Facebook Comments