Sa botong pabor ng 23 mga senador at walang komontra ay lumusot na sa third and final reading ng Senado ang Senate Bill No. 1582 o panukalang Safe Pathways Act.
Layuning ng panukala na makalikha ng network ng ligtas na daanan para sa mga naglalakad at nagbibisikleta patungo sa kanilang destinasyon tulad ng trabaho, medical facilities, grocery stores o palengke, paaralan, bangko at iba pang lugar.
Inuutusan ng panukala ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGUs) para matukoy ang mga lugar na gagawing network of bicycle lanes.
Kapag naisabatas ay oobligahin nito ang mga public places, government offices, paaralan, places of work at mga commercial establishments na maglaan ng paradahan para sa mga bisikleta o iba pang uri ng non-motorized vehicles.
Isa sa mga pangunahing nagsulong ng panukala ay si Senator Pia Cayetano na isang health advocate at cyclist.
Ayon kay Cayetano, tugon ang panukala sa tumaas na bilang ng mga nagbibisikleta ngayong may pandemya.
Binanggit pa ni Cayetano, na ang pagbibisileta ay maraming kabutihan na dulot sa kalusugan at mapapahusay rin nito ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino dahil mababawasan ang polusyon mula usok ng mga sasakyan at mas matipid din.