Panukalang paglikha ng Department of Disaster Resilience didinggin muli ng Senado

Muling magsasagawa ngayon araw ng pagdinig ang Senate Committee on National Defense and Security ukol sa panukalang inihain ng sampung senador para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience.

Ayon kay committee chairman Senator Ping Lacson, bukod sa mga opisyal o kinatawan ng mga kinauukulang ahensya ay imbitado sa pagdinig ang mga scientist at kinatawan ng mga non government organization na maaring magpaliwanag kung bakit kailangan ng bukod na departamento na tutugon sa kalamidad.

Diin ni Lacson, mahalagang mapag-aralang mabuti ang panukala dahil hindi ito simpleng paglilipat o pagtitipon ng mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng isang departamento.


Nauna nang sinabi ni Lacson ang pagtutol sa pag-buo ng panibagong departamento dahil madadagdag lang ito sa malaki nang burukrasya ng gobyerno at mangangailangan ng malaking pondo.

Para kay Lacson, sapat na ang isang maliit at permanenteng tanggapan sa ilalim ng Office of the President na magkakaroon ng mandatong mangasiwa sa pondo gayun din sa recovery at rehabilitation program para sa mga dadaanan ng kalamidad.

Sa pag-dinig ay inaasahang matatalakay din ang isinusulong na pagbuo ng Taal Volcano rehabilitation and Development Commission.

 

Facebook Comments