Manila, Philippines – Inilatag na para sa plenary debates ni Committee on National Defense and Security Chairman Senator Panfilo Ping Lacson ang panukalang magpapalakas sa anti-terrorism law.
Ito ay ang Senate Bill number 1083 na aamyenda sa Human Security Act of 2007 na tatawagin nang anti-terrorism law.
Itinatakda ng panukala na mula sa kasalukuyang tatlong araw ay maari nang ikulong ang mga paghihinalang terorista ng hanggang 14 na araw kahit walang kaso.
Maaari ring isailalim sa surveillance ng militar at pulisya sa loon ng 60 hanggang 90 araw ang terrorism suspect pero dapat ay may pahintulot ng korte.
Pinapayagan ng panukala ang pulisya at militar na magpetisyon sa korte para utusan ang mga telco providers na ibahagi sa mga imbestigador ang tawag, text messages at internet communication ng suspek sa mga terorismo.
Sa panukala ay aalisin na ang kasalukuyang nakapaloob sa batas na 500,000 pisong multa para sa bawat araw na maling pagbilanggo at pag-usig sa pinaghinalaang terorista.
Tiniyak naman ni Senator Lacson, na sa panukalang batas ay may nakapaloob na sapat na proteksyon ang publiko laban sa pag-abuso.