Panukalang pagpapalawig sa Bayanihan Act, inihain na sa plenaryo ng Senado

Sinimulan nang talakayin sa plenaryo ng Senado ang panukalang magpapalawig hanggang September 30 sa Bayanihan to Heal as One Act na ang bisa ay hanggang ngayong June 24 lang.

Sa inendorsong Senate Bill Number 1564 ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, tatawagin na itong “Bayanihan to Recover as One Act”.

Sa ilalim ng panukala ay maaring pa ring mag-realign o maglipat-lipat ng pondo ang pangulo para patuloy na matugunan ang krisis sa COVID-19.


Tuloy din ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 tulong-pinansyal sa mga mahihirap na pamilya gayundin ang ayuda sa mga manggagawa na ang trabaho ay direktang tinamaan ng krisis pati ang tulong sa mga tsuper.

Magpapatuloy din ang special risk allowance para sa public health workers at pagsagot ng PhilHealth sa mga public at private health workers na magkakasakit dahil sa pandemya.

Itinatakda ng panukalang extension sa Bayanihan Act ang isang beses na tulong pinansyal sa mga regular at part-time na guro at empleyado sa pampubliko at pribadong unibersidad at kolehiyo.

Nakapaloob din dito ang P236 billion na standby fund para sa cash for work program, gayundin sa mga government banks na magpapautang sa mga naapektuhang negosyo.

Mayroon din itong inilaang P30 billion para mas mapalawak ang COVID-19 testing.

Samantala, alinsunod sa nais ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ay inalis na dito ang probisyong nagpaparusa sa mga paglabag na saklaw na ng ibang batas.

Ayon kay Drilon, nagiging daan ito sa pag-abuso ng mga awtoridad kung saan palaging biktima ang mga mahihirap.

Facebook Comments