Sa botong pabor ng 246 na mga kongresista, ay pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 9035 o panukalang mag-aamyenda sa batas para mapalawak ang pagbibigay ng legal assistance sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Nakapaloob sa panukala, ang pagpapalawig sa paggamit ng Legal Assistance Fund at Agarang Kalinga at Saklolo Para sa mga OFWs na Nangangailangan Fund na pamamahalaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW).
Nililinaw din sa panukala ang hurisdiksyon ng DFA at DMW sa paggamit ng mga ito ng kanilang legal aid funds kung saan ang DFA ang hahawak para sa overseas Filipinos at ang DMW naman para sa mga OFWs.
Sa mga bansa na wala pang tanggapan ng DMW, ang DFA ang binibigyan ng mandato na palawigin ang legal at iba pang uri ng tulong sa mga OFWs sa naturang mga lugar.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, target ng panukala na matulungan at maprotektahan sa kabuuang ng legal proceedings mula imbestigasyon hanggang paglilitis ang mga OFWs na itinuturing na ating modern-day heroes.