Panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK elections, ilalatag na sa Pangulo ngayong araw; COMELEC, nakaantabay sa magiging kautusan ng Pangulo

Manila, Philippines – Nilinaw ni COMELEC spokesman James Jimenez na ang mga kongresista ang maglalatag kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos na aprubahan sa botong 19-2 ng mga mambabatas ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan election mula Oktubre 17 taong ito ay isasagawa na sa ikalawang Lunes sa Mayo susunod na taon.

Ayon kay Jimenez, ‘wait and see’ na lamang ang ginagawa nila at binabantayan nila kung ano ang magiging kautusan ng pangulo sa ilalatag ng Kamara kaugnay sa pagpapaliban ng SK at Barangay election.

Matatandaan na una nang inamin ng COMELEC na malulugi ang gobyerno ng 230 milyong piso o katumbas ng 77 milyong balota sakaling hindi matuloy ang halalan ngayon taon.


Plano ngayon ng COMELEC ang posibilidad na gamitin muli ang aabot sa 29 milyong balota na naimprenta ng ahensiya na nakalaan sana para sa Barangay at SK election.

Paliwanag ni Jimenez, posibleng gumamit ng sticker o correction fluid para palitan ang petsa sa mga balota o hayaan na lang ito magpasa ng resolusyon na magpapahintulot sa naturang hakbang.

Sa ilalim ng Section 181 ng Omnibus Election Code kinakailangan na nakasaad sa itaas at gitnang bahagi ng official ballot ang Republic of the Philippines ang salitang “Official Ballot” at ang lungsod o munisipalidad at lalawigan kung saan isinagawa ang election at ang mismong petsa.

Facebook Comments