Panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK elections, pinapa-veto ng Makabayan Bloc sa pangulo

Ngayon pa lang ay nananawagan na ang Makabayan Bloc kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na i-veto ang panukalang pagpapaliban sa December 5, 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections.

Apela ito ng Makabayan Bloc sakaling pagtibayin ng Kamara at Senado ang panukala at i-akyat sa Palasyo para mapirmahan ng pangulo.

Ayon kay ACT Teachers PL Rep. France Castro, kontra sila sa panukala lalo’t tiniyak ng Commission on Elections o COMELEC na nakahanda sila para sa pagdaraos ng Barangay at SK elections.


Tinukoy din ni Castro ang sinabi ng COMELEC na kung muling iuurong ang Barangay at SK elections ay mangangailangan ng dagdag na ₱5 billion dahil hindi na sasapat ang mahigit ₱8.4-billion na pondong nakalaan dito ngayong taon.

Binanggit din ni Castro na napatunayan sa nagdaang May 2022 elections na maaring magsagawa ng ligtas na halalan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Katwiran naman ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, dapat matuloy ang halalang pambarangay ngayong taon upang mabigyan ng pagkakataon ang mamamayan na pumili ng i-uupo sa 34,000 na posisyon sa SK na nabakante dahil sa pandemya at iba’t ibang rason.

Facebook Comments