Naghain si Senate President Chiz Escudero ng panukalang batas tungkol sa pagpapaliban ng parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong araw.
Ayon kay Escudero, ang panukala ay mula sa hiling ng palasyo bunsod ng mga pagbabago sa rehiyon at kabilang na rito ang tungkol sa desisyon ng Korte Suprema na hindi na isama sa BARMM ang lalawigan ng Sulu matapos na hindi nito kilalanin ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
Paglilinaw ng Senate President, walang babaguhin sa BARMM Law kundi tanging pagpapaliban lamang sa halalan ang nilalaman ng kanyang panukalang batas.
Batay sa panukala ni Escudero, isang taon lamang ipagpapaliban ang BARMM elections o idaraos sa May 11, 2026 na layong amyendahan ang mga dapat na amyendahan tulad na lamang ng higit 100 barangay na karamihan ay sa North Cotabato na may munisipyo subalit walang probinsya at distrito kaya wala rin silang kinatawan sa Kamara.
Magkagayunman, ito ay pag-aaralan pa at ikukunsulta sa mga stakeholders.