Sa botong pabor ng 22 mga senador, lumusot na sa 3rd at final reading ng Senado ang Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2020.
Itinatakda ng panukala na ang kasalukuyang 3,500 pesos na allowance para sa mga guro ay magiging 5,000 pesos sa susunod na School Year.
Tataas muli ito sa 7,500 pesos sa School Year 2023 hanggang 2024 hanggang maging P10,000 pagsapit ng School Year 2024 hanggang 2025.
Ayon kay Committee on Civil Service Chairman Senator Ramon Revilla Jr., na siyang nagsponsor ng panukala, makikinabang dito ang mahigit 800,000 mga pampublikong guro.
Diin naman ni Committee on Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian na isa sa pangunahing may-akda ng panukala, napapanahon nang taasan ang pondo para sa mga guro upang mabili nila ang kanilang mga pangangailangan sa pagtuturo lalo na sa pagpapatupad ng distance learning sa gitna ng pandemya.
Bago pa maipasa ng Senado ang panukala ay nauna nang inendorso ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na itaas sa 5,000 ang teaching supplies allowance ng mga guro sa ilalim ng 2021 proposed national budget.