Inihain ni Senate President Ralph Recto ang Senate Bill no. 2440 na layuning mapababa ang presyo ng kuryente at produktong petrolyo.
Nakapaloob sa panukala ni Recto na tapyasan ng 50% sa loob ng tatlong taon ang excise tax sa gasolina at diesel gayundin ang coal na gamit sa mga planta ng kuryente.
Itinatakda rin sa panukala ang tatlong taon na exemption sa Value Added Tax (VAT) ng system loss charges sa kuryente.
Tinukoy sa panukala ni Recto na base sa report ng Department of Energy (DOE) ay magpapatuloy pa ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis dahil sa lumalaking demand.
Bunga ito ng bumubuting COVID-19 situation, pagluluwag at pagbubukas ng ekonomiya ng maraming bansa.
Tinukoy rin sa panukala ang namumuong krisis sa enerhiya sa China at ibang bansa dahil sa tumataas na pangangailangan sa coal na ginagamit sa power plants.
Diin ni Recto, bagama’t hindi kontrolado ng gobyerno ang dahilan ng pagtaas ng langis ay maari naman itong kumilos para maibsan ang epekto sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.