Panukalang pagtatag ng Department of Water, kailangang maisabatas sa harap ng nakaambang El Niño

Umapela si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa mga mambabatas na madaliin ang pagpasa sa panukalang paglikha ng Department of Water Resources Management o DWRM bilang paghahanda sa epekto ng El Niño phenomenon.

Diin ni Lee, ang nabanggit na panukala ay sang-ayon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., hinggil sa pagtutok ng administrasyon sa pagpapahusay sa water resources management para sa buong bansa.

Sa oras na maisabatas ay lalaanan ng paunang 2 – bilyong piso ang pagtatayo at pagsisimula ng operasyon ng DWRM habang ang mga susunod na pondo nito ay ipapaloob na sa taunang General Appropriations Act.


Paliwanag ni Lee, kailangang ipatupad na agad ng pamahalaan ang mekanismo at imprastraktura na makakatulong sa sektor ng agrikultura sa gitna ng nakaambang krisis sa tubig.

Nangangamba si Lee na marami sa mga sakahan ang matutuyot, na tiyak magiging malaking kabawasan sa produksyon ng ating mga magsasaka na matagal nang nagtitiis at problemado sa hindi maayos na irigasyon.

Diin ni Lee, sa pagsasaayos sa pangangasiwa ng tubig, ay mas maitataguyod ang kalusugan ng mamamayan, makakaiwas din sa malaking pinsalang maaaring idulot ng bagyo, malawakang pagbaha at tagtuyot, at mas maisusulong din ang food security.

Facebook Comments