Sumalang na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas para sa pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR).
Ayon kay Senator Grace Poe, principal author at main sponsor ng Senate Bill 2771, kailangan na ng isang ahensya na tututok sa pagtiyak sa sapat na suplay ng tubig at maayos na pag-iimbak at distribusyon nito.
Tinukoy ng senadora na nagkakaroon ng krisis sa tubig bunsod na rin ng mismanagement, kawalan ng masterplan at sangkaterbang water agencies na nagsasapawan naman ang mga mandato.
Sa ilalim ng panukala ay ililipat na sa DWR ang mga water agencies na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of the Interior and Local Government (DILG) at kukunin din nito ang mga national water resources board at local water utilities administration.
Lilikha rin ng National Water Resources Management Plan na magtatakda ng mga estratehiya at plano para matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa bansa.
Tinukoy naman ni Senator Joel Villanueva, co-sponsor ng panukala na mahalaga ang bagong kagawaran para sa pagtiyak ng water security na isa sa tugon para masiguro ang food security ng bansa.