Tinalakay na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong magtatag ng specialty hospitals sa buong bansa.
Inisponsoran ni Senator Christopher “Bong” Go sa plenaryo ang committee report ng Senate Bill 2212 o ang ‘Regional Specialty Centers Act.’
Kapag naging ganap na batas, magtatatag ng specialty centers sa mga piling ospital ng Department of Health (DOH) sa bawat rehiyon sa bansa sa loob ng limang taon.
Sesentro ang mga itatayong specialty centers sa heart, lung, at kidney centers gayundin sa mental health services.
Itinatakda rin ang criteria sa pagtatatag ng specialty centers katulad ng assessment sa pangangailangang pangkalusugan, demand ng populasyon, geographical access sa mga pagamutan, ang papel ng ospital bilang referral center, availability ng mga specialized healthcare professionals at operational at financial performance ng ospital.
Para matiyak ang pagiging epektibo at kalidad ng mga specialty centers, makikipag-ugnayan ang DOH sa National Specialty Centers para makapagbigay ng kinakailangang pagsasanay, mga ekspertong tauhan at specialist equipment.
Ang nasabing panukala ay kabilang sa mga priority measures ni Pangulong Bongbong Marcos at salig na rin sa Philippine Development Plan 2023-2028.