Panukalang pagtatayo ng disaster food bank, lusot na sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang panukala para sa pagtatayo ng food bank at pag-iimbak ng mga relief goods para mapabilis ang pamamahagi ng tulong sa mga magiging biktima ng kalamidad.

274 mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala o House Bill No. 8463 na nag-aatas ng pagtatayo ng Disaster Food Bank and Stockpile sa bawat probinsya at highly urbanized city sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, ay iimbakan ito ng inuming tubig, bakuna at iba pang gamot at medical products, portable power at light source, damit, tent at communication devices.


Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa implementasyon ng panukala.

Ang NDRRMC din ang mamimili ng lugar kung saan ipupwesto ang food bank na itatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang panukala ay nag-ugat sa karanasan ng bansa na binibisita ng mahigit 20 bagyo taon-taon na kapansin-pansing tumitindi ang pananalasa bunga ng climate change.

Facebook Comments