Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 9320, na nagpapa-ikli sa tatlong taon mula sa kasalukuyang limang taon na termino ng mga kinatawan ng mga manggagawa sa collective bargaining agreement (CBA).
210 na botong pabor ng mga kongresista ang nakuha ng panukala, na mag-aamyenda sa Article 265 ng Presidential Decree No. 442 o ang Philippine Labor Code.
Layunin ng panukala na magkaroon ng higit na tsansa ang mga manggagawa na pumili ng sa tingin nila ay karapat-dapat kumatawan sa kanila sa mga collective bargaining and negotiations.
Ang CBA ay ang kasunduan na resulta ng negosasyon sa pagitan ng labor organization at employer kaugnay ng sahod, oras ng trabaho, at iba pang mga benepisyo o patakaran sa paggawa.
Sa ilalim ng panukala, ang mga kasalukuyang CBA ay mananatili hanggang sa matapos ang pagiging epektibo nito.