Inaprubahan na ng House Ways and Means Committee ang panukalang batas na nagpapalawig sa diskwentong ipinagkakaloob sa mga senior citizen base sa itinatakda ng Expanded Senior Citizens Law.
Ayon kay Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes, nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng 15% na discount sa singil sa kuryente at tubig sa mga kabahayan na may nakatirang senior citizen.
Sabi ni Ordanes, ang naturang diskwento ay limitado lamang sa mga may konsumo ng hindi hihigit sa 100 kilowatts per hour ang konsumo ng kuryente at 30 cubic meters naman sa tubig.
Ang mga kwalipikado sa diskwento ay kailangang mag-update ng kanilang electricity and water utility accounts upang ipabatid sa utility companies na nakatira sa kanila ang isang rehistradong senior citizens.
Diin ni Ordanes, malaki ang maitutulong ng nasabing diskwento para sa mga mahihirap na senior citizen at kanilang pamilya na labis na nagdurusa sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin.