Ngayong araw ay nakatakdang i-endorso ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang panukalang palawigin ang validity ng 2020 national budget at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).
Sa ilalim ng panukala, palalawigin hanggang sa December 31, 2021 ang validity ng 2020 national budget habang i-extend naman hanggang Marso o Hunyo ang bisa ng Bayanihan 2.
Ayon kay Angara at Senate President Vicente “Tito” Sotto III, maaari nilang ipasa agad sa 2nd at 3rd reading ang nabanggit na mga panukala dahil sinertipikahan ito bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kumpiyansa sina SP Sotto at Angara na maipapasa nila ang mga panukalang batas na ito ngayon o kaya ay bukas bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso.
Ito ay dahil mayorya anila ng mga senador ay nagpahayag ng suporta sa ginanap na caucus kahapon sa pagpapalawig ng paggastos sa natitirang pondo sa 2020 budget at Bayanihan 2.
Unang sinabi ni Senator Angara na malaki pa ang natitirang pondo sa 2020 national budget dahil maraming proyekto ang hindi nagawa at naantala ngayong taon dahil sa ipinatupad na lockdown.