Sa botong pabor ng 259 mga kongresista ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng mababang kapulungan ang House Bill 7909 o panukalang palawigin ng dalawang taon ang “Estate Tax Amnesty” hanggang June 14, 2025.
Saklaw rin ng panukala ang mga estate o naiwang ari-arian ng mga indibidwal na pumanaw noon o bago ang Disyembre 31, 2017.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang pangunahahing may akda ng panukala sa naturang amnesty program ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga indibidwal na mayroong hindi nabayarang estate tax na magbayad nang walang multa.
Binanggit ni Romualdez na batay sa datos mula kay House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ay aabot sa 1 milyong pamilya ang posibleng makinabang sa pagpapalawig ng Estate Tax Amnesty.
Kaya naman apela ni Romualdez sa mga benepisyaryo, samantalahin ang amnestiya sakaling ito ay maging ganap na batas at maipatupad.
Hinimok din ni Romualdez ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na gawing simple ang proseso ng aplikasyon para sa amnestiya at pahintulutan ang “online filing” lalo na para sa mga Overseas Filipino Worker.