Alas dyes ngayong umaga ay nakatakda ang pormal na pagsusumite sa Kamara ng administrayon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ng panukalang P6.352 trilyong budget para sa susunod na taon.
Ang pagsusumite ng 2025 National Expenditure Program kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay pangungunahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Gaganapin ang simpleng turnover ceremony sa Romualdez Hall ng Kamara sa Batasang Pambansa complex sa Quezon City.
Una ng sinabi ni Speaker Romualdez na handa ang Kamara na tanggapin ang proposed 2025 national budget kaakibat ang pangako na agad nilang sisimulan ang deliberasyon nito sa komite.
Ayon kay Romualdez, target nila na aprubahan ang panukalang budget bago ang recess ng sesyon sa Oktubre.
Tiniyak ni Romualdez na ito ay kanilang masusing pag-aaralan upang masiguro na tama ang ginagawang paggastos ng mga ahensya ng gobyerno.