Bumuo ng isang technical working group o TWG ang House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez.
Ang TWG ay pamumunuan ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto at trabaho nito na talakaying mabuti at pagsama-samahin ang mga panukala na naglalayong paramihin ang mga babaeng miyembro ng Philippine National Police o PNP.
Isinusulong sa mga panukala na mailaan sa mga kababaihan ang 20% ng taunang recruitment ng Pambansang Pulisya na sa ngayon ay nasa 10% lamang.
Umaasa ang isa sa mga may-akda ng panukala na si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, na makakamit sa hinaharap ang target na umabot sa 50 percent, mula sa kasalukuyang 19%, ang miyembro ng PNP na umaayon din sa itinatakda ng Magna Carta of Women.
Sabi naman ni BGen. Matthew Baccay, hepe ng PNP Directorate for Personnel and Records Management, pinupuri ng PNP ang layunin ng mga panukala na paramihin ang mga babaeng pulis.
Binanggit ni Baccay na sa ngayon ay 17.87% o 2,820 ng 15,777 commissioned officers ng PNP ang babae at 21.51% o 49,400 ng 180,223 non-commissioned personnel ng ahensya ang babae.
Tiwala naman si Philippine Commission on Women Senior GAD Specialist Aurora San Juan na kapag naisabatas at naipatupad ang panukala ay gagawin nitong mas inclusive at responsable ang ating law enforcement agencies.