Manila, Philippines – Binabala ni Senator JV Ejercito ang pagtaas ng housing backlog sa oras na maisakatuparan ang panukala ng Dept. of Finance na alisin ang kasalukuyang Value Added Tax o VAT exemtion sa mga murang pabahay na hanggang tatlong milyong piso ang halaga.
Ang pahayag ay ginawa ni Senator Ejercito, matapos ang pagdinig na isinagawa ng ways and means committee na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara ukol sa tax reform program ng administrasyong Duterte.
Sa hearing ay sinabi ng DOF na makakakuha ng mahigit anim na bilyong pisong koleksyon ang gobyerno kapag pinatawan ng VAT ang low cost housing.
Pero giit ni Ejercito, baka mas malaki ang epekto ng panukala sa sektor ng pabahay kumpara sa benepisyong makukuha dito ng pamahalaan.
Maliban kay Ejercito ay nagpahayag na rin ng pagtutol sina Senators Angara at Cynthia Villar sa hirit na patawan ng VAT ang socialized housing sa katwirang ipagkakait nito ang tsansa na magkabahay ang mga mahihirap na pilipino at mga Overseas Filipino Workers.