Friday, January 30, 2026

Panukalang payagan ang carpooling sa EDSA busway, tinutulan ng DOTr

Mariing tinutulan ng Department of Transportation (DOTr) ang panukalang payagan ang carpooling sa EDSA Busway.

Sa inilabas na pahayag ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, idinisenyo ang naturang busway para sa mga komyuter upang makapagbigay ng mabilis at uninterrupted service ng mga bus na may 300,000 na pasahero kada araw at hindi madagdagan pa ang mga sasakyan.

Dagdag pa niya na kung bubuksan man ito sa mga pribadong sasakyan ay makakaapekto ito sa operasyon ng bus at mawawalan ng saysay ang layunin ng busway.

Ani Lopez na kaisa nila ang mga komyuter na magpapatotoo na epektibo ang programa ng EDSA busway at sapat na aniya itong dahilan para maging eksklusibo ito para sa mga bus at pasahero.

Sinabi rin ng kalihim na kanilang nirerespeto ang pagsisikap ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na masolusyunan ang traffic congestion sa Metro Manila pero malinaw sa direktiba ng pangulo na ang polisiya sa government transport ay nakapokus sa mga pasahero at pro-mass transit at hindi car-centric.

Bukas naman ang kalihim sa diskusyon kay Torre, ibang ahensya, at mga civil society organizations para sa pagbuo ng mas innovative, planado, at buong solusyon sa problema sa trapiko.

Facebook Comments