Sa botong pabor ng 17 mga senador ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang pagbibigay ng panibagong 25-taong prangkisa sa Mislatel o Mindanao Islamic Telephone Company na ngayon ay Dito Telecommunity.
Tumutol sa pagpasa ng panukala sina Senators Risa Hontiveros at Francis Kiko Pangilinan habang nag-abstain o tumangging bomoto si Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Ang Dito Telecommunity na napili ng gobyerno bilang ikatlong telecommunication company sa bansa ay pag-aari ng Udenna Corporation ng Davao City businessman na si Dennis Uy.
40 percent nito ay sosyo ng China Telecom na pagmamay-ari ng gobyerno ng China.
Paliwanag ni Senator Hontiveros, mahalagang mapahusay ang serbisyo ng internet sa bansa pero hindi dapat maisakripisyo ang pambansang seguridad lalo na ang isyu ng pag-angkin ng China sa ating mga teritoryo.
Giit pa ni Hontiveros, dapat ay hindi isara ng gobyerno sa tatlo lamang ang big players telco industry.
Nangangamba naman si Senator Pangilinan sa panganib na hatid ng pagtatayo ng Dito Telecommunity ng cell sites sa loob ng mga kampo ng ating militar.