Matapos ang 18 taon at pitong Kongreso ay magiging isa nang ganap na batas ang panukalang regulasyon para sa industriya ng Liquefied Petroleum Gas o LPG.
Ito ay makaraang aprubahan ng Bicameral Conference Committee ang panukalang LPG Industry Regulation Act.
Itatakda nito ang alituntunin at pamantayan na dapat sundin ng mga domestic industry players, pati na rin ang pagtatatag ng cylinder exchange and swapping program na magpapahintulot sa mga konsyumer na makabili ng LPG kahit iba ang brand ng dalang tangke.
Layunin ng panukala na magsiguro ang kapakanan at interes ng mga konsyumer laban sa mga iligal na paraan ng pag-refill at mga mababang kalidad at depektibong tangke.
Ayon kay Senator Ramon Bong Revilla na isa sa mga may-akda ng panukala, malaking tulong ito para sa kaligtasan ng publiko lalo’t naglipana ang mga hindi lisensiyado o pekeng LPG tank na madalas ay nagiging mitsa ng sunog.
Diin naman ni Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian, kapag tuluyan na itong naisabatas ay matutuldukan na ang mga maling gawain ng ilang negosyante tulad ng pandaraya sa timbang at importasyon ng mga second-hand cylinders o containers.
Nakapaloob sa panukala na ang magbebenta ng palyadong LPG cylinder at cartridge ay maaring makulong ng anim hanggang tatlong taon at pagmumultahin ng hanggang 300 libong piso.