PANUKALANG REHABILITASYON AT FLOODGATE SA LO OC CREEK, IPINASA SA DPWH

Ipinahayag ng mga residente at lokal na stakeholders ang kanilang pangamba kaugnay sa patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng Dagupan City, partikular sa kahabaan ng De Venecia Highway. Isa sa mga pangunahing tinuturong dahilan ay ang kondisyon ng Lo OC Creek, na nagsisilbing labasan ng tubig mula sa mga drainage ng ilang barangay.

Ayon sa mga ulat, ang mga barangay ng Tapuac, Lucao, Nelars, Cuison, Krystavil, at ilang bahagi ng De Venecia ay may mga drainage system na dumadaan sa Lo OC Creek patungo sa ilog. Noong nanalasa ang Bagyong Emong, lumala ang pagbaha bunsod ng matinding pag-ulan, mataas na tubig-dagat (high tide), at pagpapakawala ng tubig mula sa dalawang dam.

Bilang tugon, isang panukala ang isinumite sa Department of Public Works and Highways – Regional Office (DPWH) para sa rehabilitasyon ng Lo OC Creek at ang paglalagay ng floodgate. Layunin ng proyektong ito na kontrolin ang pag-agos pabalik ng tubig-dagat tuwing high tide at bawasan ang panganib ng pagbaha tuwing may bagyo.

Ayon sa mga tagasuporta ng proyekto, mahalagang maresolba ang sitwasyon sa Lo OC Creek upang maprotektahan ang mga barangay na nakadepende rito para sa drainage. Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na tugon ng DPWH kaugnay sa panukala.

Patuloy na nananawagan ang mga residente sa mga kinauukulan na bigyang-pansin ang naturang proyekto bilang bahagi ng mas pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa Dagupan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments