Umapela si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa liderato ng Kamara na ikasa na ang deliberasyon sa inihain niyang House Bill 1296 o panukalang pagkakaloob ng rice allowance sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sinabi ito ni Lee sa harap ng binabalangkas ngayon na implementing rules and regulations para sa pagkakaloob rice allowance sa mga empleyado sa tanggapan ng gobyerno.
Una rito, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hahanapan ng gobyerno ng alokasyon ang rice allowance ng government employees at makatulong sa kanilang gastusin.
“Sana all” ayon kay Lee na kung may rice allowance sa mga empleyado ng gobyerno, dapat meron din sa private sector employees.
Nakapaloob sa panukala ni Lee ang pagtatag ng mga partership sa pagitan ng private sector at mga magsasaka para sa rice allowance ng mga empleyado nila.
Itinatakda ng panukala ni Lee na sasailalim sa “corporate farming agreements” ang mga korporasyon para makapaglaan ng 600 kilo ng bigas o mais para sa bawat empleyado kada taon o katumbas ng 50 kilo kada empleyado bawat buwan.