Kinwestyon ni Senate President Chiz Escudero sa pagtalakay sa panukalang rightsizing sa gobyerno kung bakit hindi kasama rito ang teaching at teaching-related positions sa elementarya, sekondarya, techvoc at state universities gayundin ang mga nasa military uniformed personnel (MUP) tulad ng sundalo at mga pulis.
Napuna ng Senate President na maraming pagkakataon na hindi nagagawa ng mga pulis, sundalo at guro ang kanilang trabaho na siyang dapat maging klaro o malinaw sa ilalim ng Rightsizing Bill.
Inihalimbawa ni Escudero ang pagbabantay ng mga sundalo sa mga kampo sa halip na security guard ang gagawa nito habang may mga pulis na ginagawang driver ng mga heneral.
Sinabi ng mambabatas na ayos lang naman kung pulis ang gawing driver ng ilang heneral pero dapat ay nasa war zone pero kung dito lang sa Metro Manila dapat aniya ay totoong driver na.
Sinita rin ni Escudero na nasa ilalim ng teaching item ang mga principals pero hindi naman na sila nagtuturo dahil may iba nang gawain subalit maituturing aniya itong disservice na dapat ayusin ng Department of Education (DepEd).
Hiling ni Escudero na isama sa Rightsizing Bill na tiyaking tama ang item ng isang empleyado sa gobyerno at ito ang talagang ginagawang trabaho.