Lusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang SIM Card Registration o House Bill 14 na layuning mapigilan ang mga krimen at iba’t ibang iligal na aktibidad gamit ang mobile phone.
250 ang mga kongresista na bumoto pabor sa panukala, anim ang kumontra at isa ang abstention.
Sa ilalim ng panukala, ang bawat Public Telecommunications Entity (PTE) at authorized seller ay oobligahin ang may-ari ng SIM card user na magpresinta ng valid identification document na may larawan.
Mayroon din silang form na kailangang sagutan ng mga impormasyon tulad ng pangalan, kasarian, petsa ng kapanganakan at address.
Anumang impormasyon sa pagpapahistro ng simcards ay ituturing na confidential maliban na lamang kung pahintulutan ng subscriber na ilabas sa pamamagitan ng isang kasulatan.
Kailangan din ilabas ang impormasyon kung utos ng korte o law enforcement dahil gagamitin sa imbestigasyon.
Ang SIM cards na naibenta o inisyu na ay oobligahin pa rin na i-rehistro sa loob ng 180 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.
Oras na maisabatas, ang lalabag na PTE ay papatawan ng P300,000 hanggang P1 million na multa habang suspensyon sa operasyon at multang hanggang P50,000 naman para sa lalabag na authorized seller.