Panukalang Sovereign Wealth Fund, ibibida ni PBBM sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland

Ipapakilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga global business leader sa gagawing World Economic Forum sa Davos, Switzerland ang planong pagkakaroon ng bansa ng Maharlika o Sovereign Wealth Fund.

Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Carlos Sorreta na isang soft launch lamang naman ang gagawin ng pangulo.

Aniya, direktang ilalatag ng pangulo sa mga economic business leader ang fundamentals na naging dahilan sa desisyon ng gobyerno para magkaroon ng investment fund.


Binigyang diin ni Sorreta na ang ganitong usapin ay dapat ipinagbibigay alam sa mundo.

Isang paraan lamang aniya ito para ipaalam sa buong mundo kung ano ang ginagawa ng ating bansa at para malaman ng mga ito na handa na ang Pilipinas sa mas malawak na investment.

Ang Sovereign Wealth Fund ay aprubado na ng kamara pero hindi pa ito nagagawan ng counterpart bill sa Senado.

Si Pangulong Marcos at delegasyon nito ay nakatakdang bumiyahe sa Davos, Switzerland sa Linggo, January 15 at babalik sa bansa sa January 20.

Facebook Comments