Panukalang suspindehin ang online SIM registration, tinututulan ng isang senador

Hindi sang-ayon si Senator Grace Poe na suspindihin ang online SIM registration sa kabila ng mga butas na kinakitaan sa mandatory SIM Registration Law.

Matatandaang pinasususpinde ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang online SIM registration at sa halip ay pinagsasagawa na lang ng manual verification ang subscribers matapos na malamang patuloy pa rin sa panloloko ang scammers.

Giit ni Poe, kung ipapatigil ang online registration sa SIM ay hindi naman ito makakaresolba sa mga problema sa pang-i-scam.


Aniya, ang problema ay hindi naman ang SIM registration law kundi sa enforcement o kung paano ipinatutupad ang batas.

Punto pa ni Poe, may sapat na ngipin ang batas laban sa mga manloloko at mayroon ding sapat na safeguards para pangalagaan ang privacy ng publiko.

Sinabi pa ng senadora na ang mga kaukulang ahensya at telecommunications companies ay dapat na makagawa ng epektibong paraan para ipatupad ang batas na hindi naaapektuhan ang paraan ng registration.

Dagdag pa ni Poe, nasa gobyerno ang responsibilidad para mapabuti ang sistema at sa katunayan ay nagtutulungan ngayon ang National Telecommunications Commission at telcos na palakasin ang validation measures at paghusayin pa ang SIM registration process.

Facebook Comments