Panukalang susuporta sa mga Pilipino may autism, isinulong sa Kamara

Pinabibigyan ni ACT-CIS Party-list Rep. Jocelyn Tulfo ng sapat na suporta, sa pamamagitan ng research, oportunidad, trabaho at insurance, ang mga kababayan nating may autism spectrum disorder o ASD.

Nakapaloob ito sa inihain ni Tulfo na House Bill 6686 o Autism Cooperation, Accountability, Research, Education and Support Act o CARES Bill.

Itinatakda ng panukala ang pagbuo ng isang Inter-agency Cooperation sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Philippine Council for Mental Health, at iba pang academic institution.


Para ito sa early screening ng ASD sa mga kabataan; pagsasagawa ng research tungkol sa ASD; at education at information campaign patungkol sa ASD gayundin ang pagbibigay sa kanila ng trabaho at tulong pinansyal.

Diin ni Tulfo, panahon na para magkaroon ng batas sa Pilipinas, tulad ng CARES Plan Act of 2022, na aalalay sa mga Persons with Autism o PWAs, at magbibigay sa kanila ng tsansa na mamuhay ng maayos na hindi dumaranas ng diskriminasyon.

Ayon kay Tulfo, dapat din silang mabigyan ng may pantay na oportunidad sa edukasyon, pagtatrabaho gayundin ang sapat at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Facebook Comments