Lusot na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8259 na naglalayong bigyan ng tax relief ang mga medical frontliners na nagsisilbi ngayong may COVID-19 pandemic.
Sa botong 235 at wala namang pagtutol ay nakalusot na sa plenaryo ng Kamara ang Handog sa mga Bayaning Lumaban Kontra COVID-19 Act na iniakda ni Albay Rep. Joey Salceda.
Layunin ng panukala na kilalanin at pasalamatan ng gobyerno ang mga medical frontliners sa kanilang natatanging serbisyo ngayong COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 25% discount sa kanilang income tax ang mga medical professionals na nagbibigay serbisyo ngayong may pandemya.
Sakop ng benepisyong ito hindi lamang ang mga doktor at nurses kundi pati ang ibang medical frontliners tulad ng mga administrative employees, support personnel at staff of medical institutions anuman ang kanilang employment status.
Hindi naman kasama sa panukalang tax relief ang mga kita ng medical frontliner na mula sa mga negosyo, investment at iba pang uri ng passive income na walang kinalaman sa pagsisilbi, gamutan, pangangalaga at pagtulong sa mga COVID-19 patients.