Panukalang tuluy-tuloy na benepisyo sa lahat ng healthcare workers habang may pandemya, pinadadagdagan ng ilang kongresista

Pinadadagdagan ni Committee on Health Chairperson Angelina Helen Tan ang benepisyo na dapat matanggap ng mga public at private health workers habang may pandemya.

Sa pagtalakay ng komite sa mga panukalang inihain kaugnay sa “continuous benefits” para sa mga public at private health workers, ipinasasama ni Tan sa mga benepisyong matatanggap habang nasa panahon pa ng COVID-19 pandemic ang insurance para sa lahat ng health care workers na magkakasakit ng mild, severe, at critical COVID-19 gayundin ang iba pang benepisyo para sa kanilang mental health.

Paliwanag ng kongresista, hindi lamang dapat mapako sa monetary ang benepisyong ibibigay sa lahat ng mga health worker sa bansa.


Sa comprehensive health care benefits na nais ipadagdag ni Tan, pinapa-cover nito sa Department of Health (DOH) at sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang gastos sa ospital ng mga health workers na magkakasakit ng COVID-19 at wala dapat na babayaran dito ang mga medical workers.

Ipinalalagay rin sa panukala ang “other health care benefits” tulad ng psychological therapy lalo’t maraming health care workers ang nakaranas ng depression at kinailangang mag-indefinite leave para magpagamot.

Welcome naman sa mga may-akda ng mga panukala na sina Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate at Paranaque Rep. Joy Myra Tambunting ang dagdag na benepisyo.

Bago ito maaprubahan ay pagsasamahin muna ng komite ang mga panukala kaugnay sa pagtiyak ng tuluy-tuloy na benepisyong matatanggap ng lahat ng public at private health workers, anuman ang employment status, kasama ang mga barangay health workers sa gitna ng pandemya.

Kabilang sa mga benepisyo na dapat masigurong maibibigay habang may pandemya ay ang Special Risk Allowance (SRA), hazard duty pay, life insurance, accommodation, transportation at meal allowance, at kompensasyon kung magkasakit, maospital o masawi sa COVID-19.

Facebook Comments