Panukalang tuluyang pagbabawal sa online gambling, tiniyak na maaaprubahan sa Senado

Hindi man kasama sa nabanggit sa ika-apat na SONA ng Pangulo, pursigido naman ang ilang senador na maitulak ang panukala para sa tuluyang pagbabawal sa lahat ng online gambling sa bansa (Senate Bill 686).

Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na kailangang aksyunan na agad ang lumalawak na masamang epekto ng online gambling sa moralidad, katatagan ng pamilya at pinansyal na seguridad lalo na sa mga ordinaryong Pilipino na nabibiktima nito.

Ngayon na aniya ang panahon para tuluyang ipatigil ang lahat ng online gambling tulad ng ginawa sa POGO at itigil na ang pagbibigay ng “false hope” sa mga kababayan.

Ipinunto ng senador na masyadong malaki at malalim ang social cost ng online gambling na sa halip pambili ng pangangailangan ng mga anak, pagkain o baon ay nagsusugal sila gamit ang cellphone.

Tinukoy rin ng senador na ang gambling-related addiction ay kinakitaan ng pagtaas ng financial distress, criminal activities, paglobo ng bilang ng mga hindi nakakabayad sa digital loans, pagtaas ng mental health issues at pagdami ng mga kabataang nalululong sa online sugal.

Facebook Comments