Inihain ngayon sa Senado at target ipasa sa Special Session ang Senate Bill Number 1413 o We Heal as One Act.
Nakapaloob sa panukala ang deklarasyon ng national emergency para magamit ni pangulong rodrigo duterte ang kinakailangan kapangyarihan para matugunan ang krisis na hatid ng COVID-19.
Si Senate President Tito Sotto III ang may-akda ng panukala na iisponsoran sa plenaryo ni Finance Committee Vice Chairperson Senator Pia Cayetano.
Sa panukala ay bibigyan ng otorisasyon si Pangulong Duterte na gamitin ang pondong available sa gobyerno para sa mga hakbang kaugnay sa COVID-19.
Binibigyan din ng panukala ng kapangyarihan ang Pangulo para italaga ang alinmang pribadong ospital at pasilidad at alinmang establisyemento para gamiting tirahan pansalamantala ng health workers o quarantine centers.
Maaring atasan ng Pangulo ang operasyon ng public transportation para sa kapakanan ng mga medical workers.
Binigyang-diin ni Senate President Sotto na sa panukala ay walang emergency powers na nakapaloob para sa Pangulo.
Sabi ni Sotto, malinaw din sa panukala na hindi magmumula sa 2020 national budget ang gagalawin ng pangulo kundi ang salapi na magmumula sa Government Owned and Controlled Corporations (GOCC).