Pasado na sa House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles ang mga panukalang “Financial Literacy for Employees Bill.”
Ayon kay Nograles, layunin ng mga panukala na mabigyan ng sapat na kaalaman ang milyun-milyong empleyado sa bansa ukol sa pananalapi para hindi sila mabiktima ng “financial scam” at mapanlinlang na pautang.
Dagdag pa ni Nograles, hihikayatin din ng panukala ang mga empleyado na mag-negosyo at mag-avail ng grants o loans sa hinaharap na magagamit para madagdagan ang kita ng kanilang pamilya.
Inaatasan ng panukala ang mga employers na magkaroon ng “financial literacy and entrepreneurship programs” para sa kanilang mga empleyado.
Bahagi ng programa, ang behavioral finance; savings o pagtitipid; emergency resilience fund development; debt management o pamamahala sa utang gayundin ang investment, insurance, at retirement planning.