
Hiniling ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas na layuning maitaas ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Panawagan ito ni Cendaña, kasunod ng muli niyang paghahain ng House Bill 766 o panukalang P200 na dagdag sa arawang sahod ng mga pangkaraniwang manggagawa sa buong bansa.
Kasabay nito ay minaliit ni Cendaña ang P50 wage increase na inaprubahan ng National Capital Region (NCR) wage board para lang sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Para kay Cendaña, hindi dapat ipagyabang ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kakarampot ng wage hike dahil hindi ito sapat para sa mga obrero na matagal nang nalulunod sa mataas na presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Cendaña, kung seryoso ang DOLE ay mas dapat nitong suportahan ang panawagang gawing priority measure ng pangulo ang wage hike.









