Panukalang VAT refund sa dayuhang turista, aprubado na sa house committee level

Inaprubahan na ng House Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang House Bill 7143 o panukalang VAT Refund program para sa mga dayuhang turista.

Ang hakbang ng komite ay alinsunod sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group para sa implementasyon naturang programa pagsapit ng 2024.

nakapaloob sa panukala ang pagdagdag ng probisyon sa National Internal Revenue Code ng bansa upang maisama ang VAT refund para sa foreign tourists.


Kapag naisabatas ang panukala, ang mga turistang hindi residente sa Pilipinas ay maaaring maka-avail ng VAT refund sa binili nitong produkto o goods mula sa accredited retailers na hindi dapat bababa sa P3,000 ang halaga na mailalabas ng bansa sa loob ng 60 araw.

Base sa panukala, ang halagang ito ay maaaring i-adjust depende sa administrative cost ng refund, consumer index price at iba pang market conditions na tutukuyin ng Finance secretary.

Alinsunod ito sa rekomendasyon ng Tourism secretary at commissioner ng Bureau of Internal Revenue.

Facebook Comments