Kumpiyansa si Senator Jinggoy Estrada na mapapagtibay ngayong 19th Congress ang panukala na pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines at Center for Disease Control and Prevention.
Ayon kay Estrada, mismong si Senate President Migz Zubiri ang nagbigay ng katiyakan na may suporta sa mga senador ang dalawang panukala.
Ang mga panukalang ito ay inaasahang magsasaayos sa healthcare system ng bansa at maglalatag ng kahandaan sa mga hinaharap na krisis sa kalusugan.
Dahil sa binigay na suporta, inaasahan ng senador ang agarang pagtalakay sa plenaryo ng Senado ng Senate Bill No. 679 o ang panukalang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC) Act at Senate Bill No. 281 o ang panukalang Virology Institute of the Philippines (VIP) Act.
Ang SB 281 na kabilang sa listahan ng priority bills ni Estrada ay naglalayong maglatag ng legal na balangkas para sa pagtatatag ng isang ahensya ng gobyerno na makapagbibigay ng mga siyentipikong batayan sa paggamot ng mga nakahahawang sakit batay sa mga isasagawang malawak na pag-aaral sa mga virus at ang kanilang potential disease-causing agents.
Samantala, ang isinusulong naman na pagtatag ng Philippine CDC sa ilalim ng SB 679 ay naglalayon naman na tukuyin ang mga gawain sa pagitan ng mga kasalukuyang ahensya at palawakin ang kasalukuyang mga mandato ng mga ito.