Sisimulan na bukas ng Regional Wage and Productivity Board ang public hearing para sa panukalang dagdag-sweldo sa mga manggagawa ng National Capital Region (NCR).
Sa Kapihan sa Manila Bay, inihayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, mayroong isang buwan para maglabas ng desisyon ang Tripartite Board matapos ang kanilang pagdinig.
Posibleng sa July 16, 2024 ay mailalabas ang positibong resulta ang wage board.
Aniya, sa ngayon nasa P610.00 ang daily minimum wage sa NCR at may mga panukalang itaas ito ng P800.00 upang maging sapat sa bawat manggagawa.
Pero sabi ni Laguesma, may iba pang paraan para itaas ang sweldo ng mga empleyado tulad ng collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng mga labor union at mga kompanya.
Dagdag pa ng kalihim, pag-aaralan nila kung anoman ang mapapag-usapan sa CBA upang maging patas sa magkabilang panig kung saan agad din maglalabas ng desisyon ang DOLE.