Binuhay muli ngayong 19th Congress ang panukalang batas na nagwawakas sa lahat ng uri ng kontraktwalisasyon.
Sa House Bill 2173 na inihain ng Makabayan, nais na tuluyang tuldukan at patawan ng mabigat na parusa ang mga kumpanya na magpapatupad ng anumang uri ng kontraktwalisasyon tulad ng job contracting, subcontracting, direct-hiring ng contractual, at paggamit ng labor cooperative.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang employer, contractor o subcontractor na lalabag ay mahaharap sa ₱1 million hanggang ₱10 million na multa o pagkakabilanggo ng anim na buwan hanggang tatlong taon.
Kung ang lumabag naman ay isang korporasyon, kumpanya o negosyo, sususpendihin naman ang kanilang permit.
Giit dito ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, dapat na ituring na krimen ang kontraktwalisasyon dahil sagabal ito para makatanggap ng disenteng sahod at benepisyo ang mga manggagawa.